Monday, January 31, 2011

MAY BAGYO MA'T MAY RILIM

May bagyo ma't may rilim

Nicanor G. Tiongson


Marahil ay manhid lamang ang hindi nakadarama ng krisis na bumabatbat sa lipunang Pilipino ngayon. Lumalao'y sumasama, ika nga, wala pa ring katatagan o pagkakaisa ang bansa. Mula noong 1986, nakaapat na administrasyon na ang bansa ngunit patuloy pa ring binabagbag ang gobyerno ng nagtutunggaliang ideolohiya mula kanan hanggang kaliwa. Naghahari pa rin ang mga pulitikong wala nang inisip kundi magpatambok ng bulsa habang isinusulong ang kanilang ambisyong pampulitika. Salamat sa panahon ng Diktadura, naging institusyon na ang lagayan sa mga opisina ng pamahalaan - pambansa man o pambayan. Maraming huwes ang nabibili at maraming opisyales na naatasang maglinis sa gobyerno ang nagbabantay-salakay sa sinesekwester. Dinudukot pa rin at sina-salvage ng ilang militar ang mga taong nagtatanggol sa mga karapatang pantao. Isinisigaw ng mga diyaryo araw-araw ang mga pagkidnap, pag-ambus, asasinasyon at pagbomba.
At kung nakapanlulumo ang pulitika ay lalo pa ang ekonomiya. Hangin pa rin sa tiyan ang pinagmamalaking kaunlaran at kabuhayan. Anuman ang sabihin ng diyaryo, di na mapigil ang pagtaas ng gasolina at bilihin, habang bumababa ang halaga ng piso at ang kalidad ng ating binibili. Kahit tapos sa kolehiyo ay nahihirapang humanap ng trabaho, at makahanap man ay wala rin namang napapala sa naturingan-pang suweldo. Nagdadagsaan ang libo-libong Pilipino sa Gitnang Silangan, Europa at Asya para maging "construction worker" at katulong o para maglako ng aliw. Nitong nakaraang digmaan sa Iraq, may mga manggagawang Pilipinong mas gusto pang ipagbakasakali ang kanilang buhay sa gitna ng bombahan kaysa mamatay nang dilat ang mata sa sariling bayan. May ilang yumayaman sa walang-habas na pagputol ng ating mga puno, samantalang ang maraming magsasaka'y nasisiraan ng ani dahil walang tubig para sa irigasyon. May ilang kumakabig ng milyun-milyong piso para sa pag-eeksport ng mga nahuhuli sa ating karagatan, kung kaya't tayo ang nauubusan ng yamang-dagat. Napakadali sa mga iilan ang magpalobo ng tiyan, samantalang ang karamihang kumakapit sa patalim para mabuhay ay humpak pa rin ang pisngi at pag-asa. Naglipana ang pulubi at baliw, at marami ang nakatira sa ilalim ng tulay o sa bundok ng basura.
Wala rin namang pinagkaiba ang serbisyong panlipunan. Kailangang mamitig ang binti o makipagbuno ang karaniwang empleyado para makasakay. Maya't maya ay walang ilaw, madalas ay walang tubig. Nakatutulig ang ingay sa lansangan man o subdibisyon, at halos di ka makahinga sa usok ng mga sasakyan at alikabok ng daan. Dumami ang mandurukot at holdaper na nanloloob sa daan, bahay at sasakyan. Marami sa mga kabataan ay nalululong sa droga at pumapatay nang walang awa, ngunit di naman masugpo ang droga dahil protektado ng matataas na militar. Walang pasubali ang paggagad ng mga kabataan sa kulturang dayuhan na napupulot sa mga pelikula at programa sa radyo at telebisyon na angkat mula sa Kanluran. Sa halip na ilapit ang estudyante sa kanyang lipunan, pinalalawak pa ng edukasyong Kanluranin ang guwang sa pagitan ng mag-aaral at ng kababayang dapat niyang unawain at paglingkuran. Maraming intelektuwal na makabayan ang sumusulat at nagsasalita sa wikang Ingles na di masakyan at di ginagamit ng masang Pilipino.
Sa kabutihang-palad, marami na ngayong mga mulat at sensitibong mamamayan na nagmamalasakit sa bayan, ngunit kahit ang mga ito'y natitigilan o nahihintakutan sa laki, lawak at lalim ng problema ng bansa. Ano nga naman ang magagawa tungkol sa utang na bilyon-bilyong dolyar, sa korapsiyon sa gobyerno at terorismo, ng isang Grade IV titser sa isang mahirap na eskwelahan sa Ormoc o isang nanay na alipin ng lampin at kaldero, o akawntant kaya na tatlong kahig isang tuka, o isang bagong gradweyt ng KAL sa UP?
Tila wala nga kung patuloy nating iisipin na ang mga problemang ito ay suliraning likha lamang ng sistema o gawa ng mga taong traydor sa bayan, mga suliraning hindi naman natin kinasasangkutan at maaaring kasangkutan. Sa ganitong pananaw, talaga ngang walang magagawa ang karaniwang mamamayang walang posisyon o kapangyarihan kundi magsawalang-kibo na lamang, mangibang bayan -- o magpatiwakal.
Ngunit tila hindi ganoon ang katotohanan. Aminin man natin o hindi, ang anumang krisis ng bayan ay mauugat sa mga mamamayan. Sapagkat ang pamahalaan at kabuhayan ng isang bansa ay gusaling sintibay o sinrupok lamang ng mga indibidwal na mamamayang siyang tunay na bato, buhangin at bakal ng mga gusaling ito. Kaya naman, hindi sapat na puntiryahin natin si gayo't ganitong opisyal ng gobyerno na korap o inkompetent, at isisi ang taas ng bilihin sa mga mamumuhunang nagsasamantala, pagkat hindi rin naman magkakagayon ang mga taong ito kung ayaw natin. Walang magsasamantala, kung walang magpapasamantala.
Malinaw, kung gayon, na ang dapat pagtuunan ng pansin ay ang dimensiyong personal at kultural ng ating mga suliraning panlipunan, sa partikular ang sistema ng paghahalaga o system of values at ang pananaw na laganap sa ating kultura, na sa ganang ami'y siyang pangunahing hadlang sa pagkakaroon ng tunay na pagkakaisa, kaunlaran at kapayapaan. Marami ang dayagnosis na binibigay ang mga sosyologo at sikologo, pero anim na kaisipan ang maituturo bilang pinakanegatibong mentalidad nating mga Pilipino sa kasalukuyan: (1) ang kaisipang "Kami-kami"; (2) ang kaisipang "Tayo-tayo"; (3) ang kaisipang "Kumapit sa Malakas"; (4) ang ang kaisipang "Puwede na 'Yan"; (5) ang kaisipang "Kwela ang Bongga"; at (6) ang kaisipang "Istetsayd Yata Yon."

1 comment:

  1. As I compare it to our life, there is such different things, hindrances that comes in our life, but everything has a purpose.

    ReplyDelete